10.03.2011

The mania, the mystique, the majesty

In this illuminating essay, prize-winning poet/scriptwriter Jerry Gracio shares not only his intimate experience of Ms. Nora Aunor's cultural phenomenon and significance as an artist but also his impressions as part of the creative team behind her landmark TV5 miniserye Sa Ngalan ng Ina:

SUPERSTAR ENCOUNTERS

The flowering of a phenomenon
Hindi pa ako pinamumuklan nang unang sumikat si Nora Aunor. Pero aware ako sa rivalry nila ni Vilma Santos. Maka-Nora kasi si Tatay, maka-Vilma naman si Nanay. May mga pagkakataong laman ito ng diskusyon nila sa bahay. Ayaw ni Tatay kay Vilma dahil hindi marunong kumanta, ayaw ni Nanay kay Nora dahil ito ay negra. Pero nagkakasundo sila na parehong magaling umarte ang dalawa. Hindi lang sila magkasundo kung sino ang mas magaling.

Noong bata pa ako, madalas kong marinig si Tatay na kumakanta ng “Love Story”, theme song sa pelikulang Guy and Pip the Movie (Moreno, 1971). Napakarami naming plaka ni Nora dati. Sabi ni Nanay, noong bata pa ako, kahit hindi pa marunong magbasa, kabisado ko ang title ng mga plaka ni Nora. Pero ang “Love Story” na lang ang natatandaan ko nang buo ang lyrics. Hanggang ngayon, kapag naririnig ni Nanay ang  mga unang linya ng kanta: “Where do I begin/ to tell the story of how great our love can be...” hindi si Nora ang naalala niya kundi si Tatay.

Pero noong nakaraang linggo, napanood niya sa TV si Gary Valenciano, kinakanta ang paboritong kanta ni Tatay. “Si Nora ang original na kumanta n’yan,” sabi niya. “Kabesado ‘yan ng Tatay mo,” sabay reklamo dahil bago sa pandinig niya ang version ni Gary. “Ba’t binago nila ang kanta ni Nora?” sabi ni Nanay. Hindi ko masabing hindi si Nora ang original na kumanta ng “Love Story” kundi si Andy Williams. Baka magalit si Nanay dahil ang alam niya si Nora ang kumanta nito kaya naging paborito ito ni Tatay. Hindi ko rin maitanong kung Noranian na siya.    

Hindi pelikula ni Nora ang unang sine na napanood ko sa totoong sinehan; pelikula ni Vilma, ang Darna at Ding (Navoa/Robinson, 1980). Grade five ako, nagkayayaang mag-bonding ang staffers ng school paper kaya naglakad kami papuntang Odeon sa Recto mula sa simbahan ng Tondo para manood ng sine. Naging instant fan ako ng Darna series. Nagsabit ako ng lace sa harapan ng shorts ko at dumapa sa sofa, nagkunwaring lumilipad na parang si Vilma. Kaya tuwang tuwa ako nang mapanood kalaunan sa TV ang Darna Kuno? (L. Carlos, 1979) ni Dolphy. Posible rin palang maging Darna ang lalaki.      

A thespic highlight as Rosario in Mario O'Hara's
classic Tatlong Taong Walang Diyos
Naging Darna ako dahil kay Vilma pero na-in love ako sa pelikula dahil kay Nora. Tatlong Taong Walang Diyos (O’Hara, 1976) ang unang seryosong pelikula ni Nora na napanood ko. Sa pelikulang ito, si Nora ang bida. Pero hindi siya totoong bida dahil kumampi siya sa mga Hapon.

Ang Tatlong Taong Walang Diyos ay kuwento ng teacher na si Rosario noong panahon ng pananakop ng mga Hapon. Kasintahan ni Rosario si Crispin (Bembol Roco) na kailangang umalis para sumapi sa gerilya. Nang maligaw ang opisyal na Hapon na si Masugi (Cristopher de Leon) sa bahay nina Rosario, ni-rape niya ang dalaga. Muling bumalik si Masugi sa bahay nina Rosario para humingi ng tawad pero hindi siya tinanggap ni Rosario. Nang hulihin ng mga Hapon ang tatay ni Rosario at malamang buntis siya kay Masugi, napillitan siyang magpakasal sa opisyal na Hapon. Magiging dahilan ito para tawagin siyang collaborator at itakwil ng buong bayan.

Noong bata pa ako, hindi pa uso ang Japayuki at malakas pa ang sentimyento kontra-Japan, uso pa ang mga sineng giyera na ang laging kalaban ay mga Hapon. Patok din ang war series na Combat na pinagbibidahan ni Vic Morrow. Kaya malinaw na Kano ang kakampi at kalaban ang Hapon at mga Nazi.
 
Critics saw the birth of a major actress in
Mario O'Hara's Tatlong Taong Walang Diyos
Pero hindi ko maintindihan kung bakit nagkaroon ako ng simpatiya kay Nora na kumampi sa mga kalaban. Na-realize ko kung gaano kagaling si Nora. Nakumbinsi niya ako na tama siya kahit alam nating mali ang kanyang ginawa para sa nakararami. Kaya sa huling eksena sa pelikula, nang palibutan siya ng mga nagluluksang kababaihan sa loob ng simbahan at kalbuhin siya bilang ganti sa kanyang pagiging traydor, ang simpatiya natin ay nasa karakter ni Rosario, wala sa mga kababaihan, namatayan man sila ng asawa, anak, o kaanak.

Naging tagahanga ako ni Nora mula noon. Naging anti-US bases ako dahil sa Minsa’y Isang Gamugamo (Kashiwahara, 1976); binasa si William Henry Scott dahil sa Banaue (G. de Leon, 1975); at nangarap maging scriptwriter dahil sa Himala (Bernal, 1982). Nang una kong sulatin ang Santa Santita (Guillen, 2004), muli kong pinanood ang Himala, binasa ang script ni Ricky Lee. Buti na lang, hindi ako naging tibo matapos panoorin ang T-bird at Ako (Zialcita, 1982). Hindi puwedeng maging tomboy ang lalaki. Puwede lang siyang maging beki.

Ang totoo, hindi nawala ang first love ko kay Vilma, anim na beses kong binalikan sa sinehan ang Saan Nagtatago ang Pag-ibig (E. Garcia, 1987) dahil aliw na aliw ako sa “Si Val! Si Val! Lagi na lang si Val... Si Val na walang malay...” Kamakailan, binalikan ko ang Relasyon (Bernal, 1985) para sana sa isang remake ng Regal at hindi pa rin nagmamaliw ang paghanga ko sa pagganap ni Vilma sa naturang melodrama. Paborito ko ang Tagos ng Dugo (M. Delos Reyes, 1987), hindi ko makalimutan ang dialogue sa Alyas Baby Tsina (Diaz-Abaya, 1984): “Kung saan ako nakatayo, iyon ang teritoryo ko.”

A cathartic scene in Lino Brocka's Bona 
 Pero “maingay” ang pagganap ni Vilma, kaiba sa mas “tahimik” na pag-arte ni Nora. Hinahanap ko si Vilma kapag tahimik ang mundo ko. Kailangan ko si Nora kapag masyadong maingay ang mundo.

Pinangarap ko noon pa na makasulat para kay Nora. Nagkaroon na sana ako ng chance noong 2003, nang ipasulat sa akin ang “Bituin, Buwan at Araw”. Si Elwood Perez sana ang magdi-direk, isasali sana sa Metro Manila Filmfest. Pero hindi natuloy ang proyekto, hindi tinanggap ng Filmfest Committee ang script dahil hindi raw commercially viable. Hindi rin ako nagkaroon ng pagkakataong ma-meet si Nora.

Kaya laking tuwa ko nang kausapin ako ng headwriter ko sa TV5 na si Benedict Mique para maging brainstormer para sa isang mini-serye na pagbibidahan daw ni Nora. Kakaalis ko lang noon sa una kong soap, hindi ko makaya ang deadlines, natatagalan akong tapusin ang script dahil hindi ko gusto ang istorya na ang premise ay mas matanda pa sa humukay ng ilog. Kaya pinayuhan ako ni Benedict na mag-brainstorm muna o mag-once a week drama. Pero nang malaman kong si Nora ang bida, nakiusap ako kay Benedict na pagsulatin kahit isang linggo lang. Pinagbigyan naman ako ni Benedict at ng aming creative consultant na si Elmer Gatchalian.

Method in madness as Bona
Nag-lock in kami para sa proyektong ito, walang labasan ng hotel room hanggat hindi tapos ang istorya. Sa simula pa lang, malinaw ang sabi ni Direk Mario O’Hara: “Bahala ang writers sa creative dahil hindi medium ng direktor ang TV, medium ito ng writer.” Nagtalo-talo kami nina Benedict, Dinno Erice, Pam Miras at Charlotte Dianco; nagdiskusyon, nagpuyat. Alam naming sa TV ipapalabas ang Sa Ngalan ng Ina pero sa simula pa lang, malinaw na pampelikula ang atake namin sa script. Tapon sa labas ang nakasanayang inter-cutting na eksena, ang sukat na sukat na mga sequences na current sa soap, ang dialogue-driven na paglalahad ng istorya, ang maraming soap conventions. Sa umpisa pa lang, nagkasundo kami na walang magkakaroon ng amnesia sa Sa Ngalan ng Ina. 

Sa isang meeting ng creative team, inimbita si Nora. Hindi ko alam na darating siya. Kaya nang pumasok si Nora sa conference room, natahimik ako. Alam kong maliit si Nora. Pero hindi ko inexpect na ganoon siya kaliit. Pero kung gaano siya kaliit, ganoon din kalaki ang kanyang presence. Pinupuno niya ang buong kuwarto. Malalaman mo raw na magiging sikat na artista ang isang tao kapag “lumaki” siya sa harap ng screen. At ganoon si Nora. Hindi lamang siya lumalaki kapag tinamaan ng kamera. Lumalaki siya sa iyong paningin. Karaniwan ang kanyang itsura, pero alam mong hindi siya karaniwan. Nagsimula siya bilang tindera ng tubig sa tren, mahirap tulad ng karamihan sa mga kababayan natin. Pero nakaangat na siya sa iba, bagamat bahagi pa rin ng karamihan.

A transcendent performance as Elsa in 
Ishmael Bernal's world-class Himala
Tahimik ako sa buong meeting, nakatingin lang sa kanya, inaalala ang lahat ng emosyon nang una kong mapanood ang mga pelikulang siya ang bida: nainis ako sa kanya sa Bona (Brocka, 1980); ayaw kong magkita sila ni Lolita Rodriguez sa Ina Ka Ng Anak Mo (Brocka, 1979); humanga sa pagsasalarawan niya ng isang amasona sa Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina? (Portes, 1990).

Nang magsalita si Joan Banaga tungkol sa work schedules: na bibigyan si Nora ng sariling air conditioned tent, trailer van, sariling make-up artist, stylist, bodyguards, etc., nahihiyang nagsalita si Nora: “Huwag naman po masyado, nakakahiya.” Tumaas ang boses ni Joan: “Hindi ka dapat mahiya. You deserve it! Ikaw lang ang superstar dito.” Tumahimik si Nora. 

At naalala ko si Tatay. Palaging sinasabi ni Tatay, sayang si Nora. Mayaman na sana si Nora, hindi na sana naghihirap, etc. etc. Naririnig kong sinasabi niya ito bilang tagahanga. Gusto ko sana siyang sagutin dati na “Tay, hindi naman lahat ng tao, habol ang yaman, hindi naman nasusukat ang tagumpay ng tao sa dami ng pera sa bangko, sa dami ng investments, sa dami ng properties. Iyon lang Himala, sapat na iyon, iyong Bona lang, sapat na. Iyong Centennial Honors for the Arts, sapat na. Dahil masusunog at aanayin ang bahay, hindi mo madadala ang pera mo sa hukay, pero iyong ibuhos mo lahat ng galing mo sa kahit na isang pagganap bilang artista, hindi na iyon mabubura.” Hindi ko sinabi ito kay Tatay, natatakot akong ibalik sa akin ang sermon: bakit ka nagtitiyagang magsulat samantalang mas may pera sa ibang career? Bakit ka nagsusulat ng tula, samantalang wala namang bumibili ng aklat mo, hindi ka naman kumikita? Etc. Kaya hindi na lang ako kumikibo kapag naglalabas si Tatay ng tirada laban sa kanyang idolo.

Personifying a timeless presence
Pero nang marinig ko ang sinabi ni Joan, naisip ko, sa kabila ng lahat ng negatibong publicity, totoo man ang mga ito o hindi, may mga tao at entities pa rin na nakaka-appreciate sa kontribusyon ni Nora sa industriya bilang artista. Oo, maaaring luka-luka siya tulad ng maraming tsismis, maaaring naghihirap siya, tulad ng usap-usapan ng marami. Pero napakarami namang luka-luka sa Pilipinas. At ano’ng masama kung maghirap, kung naghihirap din naman ang mayorya sa sambayanang Pilipino? Ang totoo, kasalanan ang maging mayamang mayaman sa isang lipunang labis ang kahirapan. At ang masama, iyong magluka-lukahan pero wala namang K. May karapatan kang maging luka-luka kung ikaw si Nora. Ibinibigay ko na sa kanya ang karapatang iyon.

Lumabas ako ng conference room at umiyak. Tinapos ko nang mabilis ang assigned script ko para sa Sa Ngalan ng Ina. Pero sinadya kong hindi magpunta sa advanced screening kung saan naroon mismo si Nora at iba pang mga artista. Sa TV ko aabangan ang Sa Ngalan ng Ina ngayong gabi, iisipin na hindi ko siya nakita, nakausap, nakasabay mag-yosi. Karaniwang tao akong humahanga sa isang artista na ang itsura at istorya ng buhay ay tulad din ng karamihan sa atin. At dahil dito, lalo ko siyang minamahal. (JERRY GRACIO)

Click video below to watch the recording of the theme and the making of Sa Ngalan ng Ina

1 comment:

  1. Galing mong magsulat... nakakainggit.. one of the best tributes kay ate guy... totoong totoo at masang-masa ang point of view... bravo!

    ReplyDelete